Bullet With Butterfly Wings
Mas matalino ako sa mga professor ko. Nagkataon lang na sila ang humahawak ng lesson plan habang abala ako sa paghahanap ng patunay na mas matalino nga ako sa kanila.
“Mr. Alvarez, what happened to you last time? Bigla ka na lang hindi pumasok sa klase ko, are you bored?”
Yan ang unang bungad sa'kin ng isang professor pagtapos kong pumasok uli sa klase nya – take two. Isa sa pinakamalaking problema ko ang sobrang pananaginip ng gising. Habang sinasabi nya sa'kin na matalino pa man din daw ako, iniisip ko na kung paano ko s'ya lalamunin ng buhay at ipapahiya sa buong klase.
Pero bukod sa hindi ako madaling paniwalain, uto-uto din ako. Lumalaki ang ulo ko sa tuwing maririnig ko na “sayang ka, matalino ka pa man din.” Lumilipad ang utak ko sa klase, hindi dahil sa wala akong interes kundi dahil alam ko na kung paano paiikutin ang klase, kasama ang mga professor sa mga kamay ko.
Yun din ang pinakamalaki kong problema. Hirap akong makakuha ng challenge galing sa mga professor. Kaya ayun, walong taon na ko sa kolehiyo, sa kahahanap ng challenge, ilang beses na kong tumigil, hanggang sa nawalan na ko ng gana.
“Syllogisms works by comparing two doubtful facts to make valid conclusions.”
Isa yan sa paborito kong subjects. Alam ko kung paano paiikutin ang tanong at ang sagot. Pero parati akong talo by default. Unfair!
“Sir, based from your example, then we can say that, 'All men are sinners, but Christ is a man, therefore, Christ is a sinner.'”
Mali ang hirit ko. Dahil ang sabi ng professor, God is above everything, therefore, exempted sya sa ganitong argumento. Humirit pa ko ng isa pa pero di ko na ikukwento dahil magiging masyadong mahaba 'tong kwento ko. Bottomline, talo ako by default.
Ang huli ko na lang nasabi, “if that's the case, then we should stop linking religion with logic, sir. It makes no point in studying reason if its always overruled and defied by something intangible.” at dahil dyan, take 3 ako ng logic sa susunod na sem.
Hindi naman ako laging ganito. Nagkataon lang na marami akong naging problema habang lumalaki. 15 years old ako nung natapos ako sa highschool, pinakabata sa klase namin pero hindi pinakamagaling. Disente pa din naman ang grades ko, hindi nga lang umabot sa dapat sanang gusto kong kurso kaya bumagsak ako pa pagkuha ng kursong alam kong magiging mas madali para sa'kin, hindi para maging mas madali ang buhay kolehiyo ko, kundi para magkaroon ng pagkakataon na magshift sa gusto kong kurso.
Siguro dagdag na pressure pa na parehong scholar ang mga magulang ko. Ang nanay, hanggang ngayon pinagmamalaki pa ding hindi naglabas ng kasi isang kusing ang mga magulang nya para makapagtapos s'ya. Ang tatay, nangingilid pa rin ang luha tuwing dumadaan ng Roxas Boulevard dahil isa daw sya sa mga unang naglatag ng semento sa dating daungan ng barko sa Manila Bay. Samantalang ako, sa isang ekslusibong paaralan pumapasok.
Unang taon ko, magaganda ang grades ko, kaya lang dadating talaga siguro sa buhay ng isang tao na may mga haharapin kang pagsubok. Habang abala ako sa pagpapauto sa mga professors ko, parati naman akong ginagambala ng pag-ibig. Ganun siguro talaga pag bata ka, kelangan mo ng acceptance galing sa ibang tao bago mo matanggap ang sarili mo.
So, ayun, nagpakalulong ako sa pag-ibig. Masarap, para kang nasa langit. Kaya parati akong inspired nung mga panahon na yun. Hindi ako naniniwala sa review, para sakin, basta nakikinig ka sa klase, madaling intindihin ang mga bagay bagay sa silid aralan. Pero nung inlababo ako, nagpupuyat ako kabababad sa telepono, pero pagkatapos nun, nagpupuyat pa ko ng konti para mag-aral. Benta naman, dahil pagtapos ng unang sem ko sa kolehiyo, bumalik ang bilib sa'kin ng mga magulang ko.
Tumapos pa ko ng isa pang sem at nagawa ko nang lumipat sa kursong gusto ko. Pero hindi lang pala dun iikot ang lahat. Kung gaano kasarap magpakalulong sa pag-ibig, ganun din pala kahirap ang peer pressure. Gusto mong matangap ka ng lahat. Ng mga kaibigan, kaklase, mga guro, pati ng mamang nagtitinda ng yosi sa kanto. Kaya kahit nagawa ko ng tumigil manigarilyo tatlong buwan bago matapos ang taon, pagbukas ng panibago, ayun na naman ako.
“Ok lang yan, isang gabi lang naman eh, nagawa na natin tumigil kaya magagawa natin ulit, isang gabi lang to.”
Yan ang pagkakaalala ko sa sinabi ng isang kaklase habang bumibili kami ng alak para sa year opener, hindi pala ganun kadaling talikuran ang tukso, pero ok lang. Maganda pa din naman ang grades ko. Namemaintain ko ang oras at nababalanse ko sa bahay, eskwela, kaibigan, at kasintahan. Wala pang gaanong epekto kaya tuloy pa din ako sa pagkalulong sa pag-ibig, kaibigan at sa pagbuo ng mga pangarap ko.
Pero sabi nga ni Joker sa The Dark Knight, “What doesn't hurt you only makes you stranger.” Hindi totoong ikamamatay mo ang sakit sa damdamin, hindi din totoo na hindi mo kakayanin ang pagkawala ng isang bagay, tao, alaala, o kung ano pa. Pero hindi ibig sabihin walang magiging epekto.
Nagkasabay sabay ang mga pangyayari. Kasabay ng paglawak ng pananaw ko sa buhay at pagdami ng mga tanong ko ang biglang pag-apaw ng mga bagay na lulunod sa akin. Hindi ko namalayan, unti-unti, nalulunod na pala ako sa mga bagay na nagpapahigh sa akin. Ang maraming lobong kinapitan ko para hawakan ang mga bituin din ang naging dahilan din ng mabilis kong pagbulusok.
“Hindi naman ikaw ang problema, ako!”
“Pare, hindi talaga pwede eh, kalimutan mo na lang na naging magkakilala tayo.”
“Mr. Alvarez, get out of my class.”
“Ako pa ang niloloko mo, lumayas ka!”
Hindi ko na maalala kung totoo kong narinig ang lahat ng yan. Pwedeng gawa gawa ko na lang sa isip ko dahil sa sobrang pag-iisa. Hanggang sa dumating ako sa puntong kumakausap na ko ng mga inanimate objects. Nandyang makipagdialogue ako sa pulutan kong kornik habang umiinom mag-isa.
“Eh kung di ka naman kasi sandamukal na tanga, walang such thing as space and time. Palusot lang yun ng mga hinayupak na putang yan!”
Ang sabi ng pulutan kong kornik. Minsan hindi ko na alam ang gagawin dahil sasama pa ang bote ng gin. “Alam mo, wala ka nang magagawa, kami na lang ang kaibigan mo. Kami na lang ang pamilya mo. Wala ka nang magagawa.”
Pagkatapos kong malula at malulong sa pag-ibig, wala na kong maramdaman. Para kang isinakay sa bangkang papel na ipinaanod sa rumaragasang baha. Alam mong basa ka na, at konting panahon na lang ang itatagal mo pero wala ka nang choice. Kaya minsan habang naglalakad ako sa kalsada at kausap ang isang stick ng marlboro na nakaipit sa labi ko, hindi ko napigilan ang umiyak. “I'm going straight, man, straight down.” Yun na lang ang nasabi ko.
Hindi na ko nagulat nung sumagot sya. “Alam mo nasa isip mo lang yan, hindi naman katapusan ng lahat. Ok, hiniwalayan ko ng babae mo, pero marami ka pang matatakbuhan.”
As usual, wala din s'yang alam, lahat sila walang alam. Hanggang sa nakahanap ako ng langit sa pagsusulat. Sa papel ko sinabi lahat ng sama ng loob ko sa mundo. Kung gaano kaunfair ang lahat ng bagay sa mundo. Kung paano ako tinalikuran ng lahat ng tao at bagay sa paligid ko. Sa mahabang panahon, yun ang mga kaharap ko. Alak, sigarilyo, kornik, papel. Alak, sigarlyo, kornik, papel. Alak, sigarilyo, kornik, papel.
Basura.
Basurahan.
“I am a half-eaten taco shell
Tumbling a downward spiral
Of cookie jar mazes.
I could have been a gum drop
or a lemon candy wrapper.
I wish to be a salad when this is all over.”
Tumula ako, nagkwento, nagpalipad ng mga ala-ala, at sa pagitan ng mga panahon na kaharap ko ang papel at ang panulat, naging masaya ako. Pero may kulang. Babagsak at babagsak pa din ako sa pag-alala na hindi ako naiintindihan. Kahit ng sarili kong pang-intindi. Babalik at babalik ako sa
alak
sigarilyo
kornik
papel
basura
basurahan.
Sinubukan kong ituwid ang mga gusot at lamukos sa buhay ko. Isa lang ang naisip kong daan. Tutal mag-isa na lang ako, naghanap ako ng trabaho, hindi para takasan ang sistemang unti-unting nag-angat at nagpabangag sa akin bago ako biglaang ilaglag kundi para magkaroon ng pangalawag pagkakataon na magpakasabog.
Ang hindi ko alam, isa na naman palang bagong sistema ang papasukin ko para maghanap ng acceptance sa ibang tao bago ko matanggap ang sarili ko. Hindi ko nakitang unti-unti na naman akong nilalamon ng sistema. Bago ako makatapos ng highschool, nananaginip na naman ako ng gising, sinabi kong sa edad na 19 magiging isa na akong ganap na professional. Hindi ako nagkamali. Sa edad na yun, nagtuturo ako ng mga taong doble ang edad sa akin na nagkakanda baluktot ang dila sa pagsasalita ng ingles.
“Paano kung gusto nilang C.O.D., pwede ba yun?” sabi ng isa. “Walang coverage sa area nila eh, pano nya gagamitin yung telepono nila?” sabi pa ng isa.
Disente naman ang trabaho ko. Di hamak na mas malaki ang sahod sa mga nakatapos ko ng kabatch. Gaya ng karamihan, 9-5. ang kinaibahan lang, sumasakot ng dalawang petsa ang mga araw ng pagpasok ko. Naka mahigit dalawang taon din akong ganun. Hanggang sa naisip kong unti-unti akong mawalan ng gana.
Hindi ako nagkaroon ng bayag para talikuran ang ang bagay na nagpapakain at nagbibigay sa'kin ng mga bagay na hindi ako nagkaroon bilang anak, estudyante, mangingibig.
Habang tumatagal, unti-unti akong nagtatanong, naghahanap ng kahit isang bagay lang na magiging dahilan kung bakit ako nabubuhay. Naghahanap ako ng bagay na magiging dahilan para sabihing, “Handa na akong mamatay.” Hindi ko inaasahan, dumating yun isang araw.
“You stupid Filipino!”
Hindi ko maalala kung anong sumunod. Naalala ko lang na naglalakad ako sa kahabaan ng San Miguel Avenue, kumikirot and duguang kamay habang nakasalpak sa tenga ang isang simbolo ng pagiging alila ko.
“Despite of my rage I am still just a rat in a cage. Despite of my rage I am still just a rat in a cage. Despite of my rage I am still just a rat in a cage.”
Matagal kong iniinda ang rejection na yun. Hanggang sa isang araw, nagising ako sa pag-iisip na walang tama dahil walang mali. Lahat ng bagay nababaluktot. Ang tama, pwedeng paikutin para maging hindi katanggap tanggap. Ang mali pwedeng lagyan ng exemption para maging tama.
Nakita ko na kung ano ang hinahanap kong dahil para ikamatay. Kung anong ikabubuhay ko. - Ang talikuran ang sistema at hanapin ang totoong katutohanan. Pero hindi ko din alam kung ano ang totoo.
Wala akong nagawa kundi bumalik sa dating kasinungalingan na nagpaikot ng dati kong mundo. Ang unang mga salitang humarap sa akin, “Magpagupit ka nga!” Kasabay ng mga titig, titig ng pagtataka, takot, pandidiri, pagkagulantang. Sa mga nakakikilala na ng dati sa akin, maligayang pagbabalik.
“Mr. Alvarez, you are under academic probation. You need to prepare a letter requesting to be re-admitted, stating the reason why you stopped, and that this will not happen again.”
Sa pagbabalik ko sa akademikong hantungan, para lang muling bumalik sa dati ko nang pinanggalingan, kinailangan kong pumila ng pagkahaba-haba, bumalik sa isa pang pila para lang pabalikin pa sa isa pa. Kinailangan kong magpa-autograph sa mga taong palagi namang wala. Parang nakikipaghabulan sa mga artistang iwas na iwas makunan ng larawan.
Pagtapos ng pakahaba-habang panahon, sa wakas, estudyante na ulit ako. Unti-unti kong pinulot ang piraso ng mga nilipad kong pangarap. Pero, matigas siguro talaga ang ulo ko, pwede ding dahilan ko lang yan dahil ang totoo, tinatamad na 'ko, nawalan na ko ng gana. Kaya kong kumuha ng flat na uno kung gusto ko. Hindi mahirap yun, lalo na sa eskwelahang pinapasukan ko.
Nilamon na ng pop culture ang sistema ng edukasyon ngayon. Bukod pa sa karamihan ng kelangan mong malaman, hindi mo na kelangang pag-isipan. Bihira ang kelangan mong mag-analyze, bihira ang kelangan mong mag-construct. Lahat kelangan mo lang tandaan. Walang challenge.
Akala ko kaya kong talikuran yang mentality na yan pagbalik ko. Pero mali ako. Pagbalik na pagbalik ko, isinusuka ko na agad ang sistema ng kung paano ako dapat matuto kasama ang kung anong dapat kong matutunan. Unang sem pa lang alam ko na kung anong nangyari – wala pa rin akong pinakatandaan.
Kuhaan ng grades, kumakanta ang class card ko. Parang The Beatles – da da da da da da. Sa walong subjects ko, anim ang hindi ko halos pinasukan. May totoo at konkretong dahilan naman ako. Nagtatrabaho ako, bukod pa sa hindi ko natantya ang oras ko. Ang totoo, hindi ko lang maipagpalit ang nagpapakain at nagbibigay sa'kin kaalamang pakiramdam ko mas dapat kong malaman.
Pero wala akong bayag na sabihin yun ng harapan sa professor. Kaya nung tinanong ako ng registrar kung anong nangyari, sinabi ko ang totoo. Hindi nga lang lahat. Sinabi ko na self-supporting ako. At kelangan ko magtrabaho para kumain at para na din makuha ko ang piraso ng papel na magpapatunay na kaya kong tumagal sa isang lugar sa loob ng isang partikular na panahon habang gumagawa ng isang partikular na bagay na sa totoo lang naman ay walang magiging silbi sa akin kung pampalubag loob sa mga magulang ko.
Naniwala sila sa akin. Sabagay, wala namang hindi dapat paniwalaan sa sinabi ko. Pero matapos ang isa na namang sem nang pakikipaglokohan na natututo ako sa mga professors ko, na ang totoo eh sumasakay na lang ako, napatunayan kong academically consistent ako. Wala pa ding nangyari. Hindi ko lang talaga siguro masakyan.
May respeto ako sa karunungan. Kaya sa tuwing may magtuturo sa akin ng hindi alam ang sinasabi, nawawalan ako ng gana, dalawa lang ang pwedeng puntahan nun. Hindi na ko papasok ulit, o makikipagtalo ako sa professor na babagsak sa pagkadrop ko sa klase.
Pagdating ng panibagong enrollment, balik na naman ako sa pagsulat ng mala-Maalala mo kaya, at ang sandamukal na pila, pirma, pila, pirma. Pagdating ko pa lang sa sekretary ng Dean, sinabi na sakin na wala na kong pag-asa. “Dalawang beses ka lang pwedeng pumasok ng academic probation, Hijo. Pag pumangatlo ka, wala ka nang pag-asa.”
Lalong nadurog ang pangarap ko. Sa loob-loob ko, wala akong pwedeng sisihin. Masyado na kong matanda para isisi sa pagkakataon ang lahat ng nangyari. Hindi na ko teenager para sabihing putang ina ng kabataan ko. Hindi ko na pwedeng isisi sa mga magulang ko na hindi ako nagkaroon ng pamilya. Dahil ang totoo, ako lang din ang nagdidisisyon sa sarili ko kahit nuon pa.
Nalulong ako sa bisyo, alak sa kanang kamay, sigarilyo sa kaliwa. Hindi ko pwedeng isisi sa sakit na naramdaman ko dahil may sarili naman akong utak. Hindi ko din pwedeng isisi na hindi tama ang turo ng mga guro ko. Dahil tama man o mali, pumayag akong pumasok sa isang gobyerno na nagsasabi sa akin ng kung ano at paano ko dapat gawin ang mga bagay.
Suko na sana ako, sabi ko, final na 'to. Six fouls. Graduate na ko. Fouled out. At muli, talo by default. Pero habang nilulunod ko ang sarili ko sa pag-iisip, naalala ko ang mga dapat na kabatch ko. Naalala ko yung iba pang nakilala ko. Alam kong mas matalino ako sa karamihan sa kanila. At least sa mga nakilala ko. Kahit na alam kong maliit ang tsansa ko, sinabi ko sa sarili kong, isa pa. Last round.
Gumawa ako ng letter of explanation. Ginamit ko alam ko sa english na nagpahiya sa professor ko sa technical writing nung second year ako. Sinabi ko na gusto ko talagang makatapos at makakuha ng diploma. Higit sa kagustuhan ko, gusto ko ang kamang respeto na na ka-ex-deal nito. Kasama na ang dahilang pampalubag loob sa mga magulang ko. Ikunuwento ko lahat ng sama ng loob ko sa mundo, kahit alam kong hindi kelangan. Kahit na alam kong hindi din naman malamang na babasahin ng Dean ang mga dahilan ko, ibinuhos ko na lahat.
Kinaumagahan, handa na ko. Kahit pa matalo by default, paninindigan ko na to. Wala namang mawawala. Alas 7:30 ng umaga nasa campus na ko. Nakapormal na polo at disenteng slacks, handa na ko sa kung anong ibabato sa'kin ng Dean.
Pagdating ko pa lang sa sekretarya, inaalok na ko ng form para sa process ng honorable dismissal. Sabi ko gusto ko lang kausapin si dean. Magbabakasakali lang. Tumaas ang kilay nya, alam ko na ang kasunod. “Sinabi ko na naman sa'yo, hanggang dalawang academic probation lang. Wala na din magagawa si dean.” Sabi ng sekretarya. “Oo nga po ma'am. Gusto ko lang pong makausap si dean.”
Nahalata n'yang desperado ako kaya um-oo na lang. Pagtapos ng kung ilang habang buhay, sinenyasan na akong pumasok sa loob ng opisina ng dean. Isang mas malamig na opisina sa loob ng isang mas malaki pero di gaanong kalamigang isa pang opisina. Kahit nangagatog ang tuhod ko, una dahil sa sobrang bigat, pangalawa dahil sa kaba, pinasok ko ang opisina ng dean.
“Mr. Alvarez, I'm sure you read the manual, I'm sure you know the rules. What brings you here with this letter, then?” Pambungad n'ya. Di pa ko nakakahugot ng lakas para sumagot, “Sit down!”
Pinilit kong hindi magpakita ng pagkahiya, pero hindi din ng yabang. Hindi basta professor lang ang kaharap ko. Hindi sya magiging dean kung hindi nya alam ang sinasabi n'ya. “Naiintindihan kita. I was young once. Alam ko ang pakiramdam ng hindi ka naiintidihan. Minsan kahit sarili mo, hindi mo maintindihan.”
Kalmado ako, unti-unting tinatanggap ang masakit na katotohanang lumalabas sa bibig n'ya. “I'll give you another chance, but you'll have to give something in exchange. May kelangan kang ipangako.” Ito ang kinatatakutan ko. Nakarinig na ko ng mga kwentong kwarto o kwatro, na malamang na malabo naman sa pagkakataong ito. Pinilit kong imaginin ang sarili ko nuon. Grade 2: “I will bring my P.E. Uniform every Wednesday.” dalawang buong blackboard.
Pero hindi yun ang kapalit. “I don't want to tell you what is already obvious, kumakanta ang grades mo. Kung hindi DA, DO. Hindi ka ba nanghihinayang sa gastos mo? Well pagod mo yan, pero manghinayang ka sa panahon.” Unti-unti, nakikita ko na kung saan pupunta ang sermon. Nakikita ko na ang ending ng FPJ-Erap starrer na 'to. “What you need right now, Mr. Alvarez is focus. You have so much going on. You're a part of an org, at the same time editor of the school paper. At alam mo kung anong ang stand ng administration about unrecognized organizations. So let's make a compromise, I'll give you another chance if you give your post as editor in chief of the school paper, and you quit your post with your outside organization.”
Sabi ko na, alam ko na kung saan pupunta ang kwento. Pag predictable na masyado, hindi na mahirap tahiin ang mga susunod na eksena. Sa loob-loob ko, iniisip ko na na sabihing, “Yes sir, Thank you so much, sir.” Pero nangibabaw na naman ang pananaginip ko ng gising.
Nangingilid na ang luha sa mata ko. Nag-isip akong mabuti, gusto ko ng matunaw. “Sir, simula ng matuto akong mag-isip, wala akong ibang hinanap kundi ang katotohanan. And I will not close my eyes to save my own ass. Kung ito ang kabayaran sa pagtira ko administration ng eskwelahan then keep the change.”
“Mayabang ka Mr. Alvarez! Alam mo bang kaya kong hindi ipa-release ang honorable dismissal mo?” Nanginging na ang taba sa pisngi ng dean, lumabo ang salamin na nakasabit sa ilong nya.
“Hindi ako matatapos sa paghahanap ng katotohanan, kung may mali, kelangang ituwit. Sabihin nyo lahat ng gusto n'yong sabihin, pero hindi ako gagaya sa inyo na napasok lang sa sa magandang opisina dinilaan na ang pwet ng mga nasa taas. Salamat na lang.”
“Get out of my office you son of a bitch! Tandaan mo, wala ng eskwelahang tatanggap sa'yo”
“Fuck you, sir, fuck you!”
Kagaya ng dati, talo na naman ako by default. Siguro kulang lang ako sa logic. Hindi ko na naalala kung anong sumunod. Nakita ko na lang ang sarili kong naglalakad sa labas ng campus, nakasalpak ang earphone sa tenga habang tumutugtog ang soundtrack ng mga nangyari.
“Despite of my rage, I am still just a rat in a cage... Despite of my rage, I am still just a rat in a cage... Despite of my rage, I am still just a rat in a cage... Despite of my rage, I am still just a rat in a cage...”
Currently listening to: Astro - Radioactive Sago Project
Currently reading: The Book Theif - Markus Zusak
Currently watching: c-section delivery
Currently feeling: accomplished